Nalito ako at nagbago ang wikang gamit ng sistemang pang-blog dito. Hinahanap ko na nga kung saan ko dapat palitan ang seting pero nag-bago ang isip ko. Isang magandang pagkakataong sanayin ang sariling gumamit ng sariling wika.
Noong isang araw, nakatanggap ako ng balita na isinugod sa ospital ang lola ko sa ama. Nasa probinsya siya at may edad na din. Palagay ko'y nasa 80 na. Pero malakas pa din ang matanda sa edad nyang yan. Liver circhosis at Hepatitis B daw ang sakit. Nagpayo na ang doktor na ipatawag ang mga kamag-anak dahil hindi na raw malamang tumagal si Lola. Ng makausap ko ang isa kong tiyuhin, sinabi sa akin na tatlong araw na sa ospital ang Lola pero nung araw na nilabas sya, noong gabi ding iyon ay isinugod pabalik sa ospital dahil nagrereklamo siyang hindi makahinga.
Tanggap na nila na hindi na magtatagal ang Lola. Nabasa ko sa boses niya yun nang magusap kami. Hindi ko alam ang damdamin ng iba ko pang kamag-anak. Pupunta ako doon sa Biyernes - na nagkataong kaarawan din pala ng lola. Sana maabutan ko pa syang buhay. Tatlong taon na din mula ng huli kaming nagkita.
Hindi ko ipagkakaila na hindi kami malapit sa isa't isa. Hindi kami nagkaroon ng malapit na relasyon tulad ng lola ko sa nanay.
Palagay ko, ginagampanan ko lang ang responsibilidad ko bilang apo at ka-anak.
No comments:
Post a Comment